Sunday, March 19, 2017

DuterteSerye: PANGAKO NI DUTERTE PALPAK




Hindi natin pine-pressure si Pangulong Rodrigo Duterte na tuparin na niya ang kanyang mga ipi­nangako noong nakaraang eleksyon pero hindi ko rin masisisi ang mga tao na maghanap ng mga pangako niya na syang dahilan kung bakit siya ang kanilang ibinoto noong nakaraang eleksyon.
Sa mga nagdaang administrasyon, mula kay dating Pangulong Benigno ‘Noynoy’ Aquino III, lahat sila ay nangako ng magandang buhay. Lahat siya ay nangakong iaangat ang buhay ng mga mahihirap at gawing maunlad ang ating Inang Bayan.
Kakaiba lang kay Digong dahil noong na­ngangampanya siya, lahat ng problema ng mamamayan ay ipinangako niyang reresolbahin sa loob ng unang tatlo hanggang anim na buwan ng kanyang panunungkulan.
Isa na dyan ang endo o end of contract, pagkatapos ng anim na buwang pagtatrabaho na matagal nang problema ng mga working forces sa ating bansa lalo na service sector.
Asang-asang ang mga manggagawa na ang tanya noon ay hindi bababa sa 15 milyon ang kanilang bilang, na matutupad ang pangakong ito ni Digong at mangyayari ito sa loob ng tatlo hanggang anim na buwan.
Obvious na hindi ‘yun natupad dahil halos 9 na buwan na si Digong sa poder at ‘yung Department Order (DO) na nilagdaan ay walang ipinagkaiba sa polisya ng mga nakaraang administrasyon patungkol sa paggawa.
Ang sagot nila ay hindi ang Executive ang puwedeng tumapos sa endo kundi ang Kongreso. Kailangang amyenda­han daw o kaya ibasura na ang Herrera law o ang Republic Act 6715.
Eto ang problema kapag ikaw ay kumakandidato, nangangako ka na kaya mong gawin ang mga bagay na hindi puwede sa isang sistema tulad ng gobyerno natin na mayroong tatlong sangay.
Kung ang sistema ng ating gobyerno ay dictatorial ay puwede ang mga ganyang pangako dahil ikaw lang ang magdedesisyon dahil walang Kongreso at hudikatura at kung mayroon man kaya mo silang diktahan.
Huwag na nating isama ang pangakong tata­pusin ang problema sa ilegal na droga dahil hindi nangyayari. Masyado raw maraming sangkot kaya extended ang pa­ngako hanggang 2022.
Isa pa sa mga problemang ipinangako na tatapusin sa loob ng tatlo hanggang anim na buwan ay ang problema sa trapiko. Hanggang ngayon malala pa ang problema sa trapik at hindi alam ng mga tao kung kailan talaga mareresolba dahil wala namang pagkilos na ginagawa sa totoo lang.
‘Yung driver’s license ibibigay na iniwang problema ng nakaraang admi­nistrasyon, ibibigay daw sa loob ng tatlo hanggang anim na buwan pero 9 na buwan na eh papel lang ang hawak ng mga driver na lisensya.
Pati plaka ng mga sasakyan, hindi pa naibibigay gayung nagbayad ka na para doon. Huwag na nating isama ‘yung mga nakapagbayad na bago umupo ang administrasyon, ‘yung mga nagre­histro na lang mula Hulyo 2016 hanggang ngayon, wala na ‘yung plaka nila.
Kaya hindi mo mala­man talaga kung ‘yung mga tumatakbong mga sasakyan ay legal ba o hindi dahil ang gamit lang eh numero ng kanilang conduction stickers kaya ang hugot ng mga tao, pina­ngakuan, umasa, nabigo.

SOURCE: http://www.abante-tonite.com/pinangakuan-umasa-nabigo.htm

No comments:

Post a Comment