Thursday, March 16, 2017

Sen. Pacquiao, ‘naubusan’ ng Ingles sa debate



Nahirapan sa pagpapaliwanag sa wikang Ingles si Senador Manny Pacquiao nang makorner ito ni Senate Minority Leader Franklin Drilon sa isang interpelation sa Senado habang pinagdedebatehan ang panukalang batas ng boxer-senator na magtayo ng Philippine Boxing Commission.
 
Halatang napikon si Pacquiao sa mahabang pag-uusisa ni Drilon sa Senate Bill No. 1306 nang bigla itong magsalita at hiniling na putulin na ang debate at pagbotohan na lamang ang pagpapatibay sa kanyang panukala.
 
 
“Mr. President if the gentleman from Iloilo cannot be convinced or agree with my proposal to create a boxing commission Mr. President, it’s better to close this, I mean interpellation and lets…I mean we can do voting,” giit ni Pacquiao pagkatapos ng halos isang oras na debate nila ni Drilon.
 
Ikinabigla naman ni Drilon ang winika ni Pacquiao at iginiit na sa tradisyon ng Senado, walang umiiral na “cloture rule”. Ang cloture rule ay pinaiiral lamang umano sa US Senate para mapigilan ang filibustering ng isang mambabatas.
 
“Are we saying that we are terminating the period of interpellation? We are just on page 2 of the bill, Mr. President,” tanong ni Drilon.
 
May walong pahina ang Senate Bill No. 1306 at nasa page 2 pa lamang sila ng debate, partikular sa nilalaman ng Section 4 hinggil sa “creation of the Philippine Boxing Commission”.
 
Dahil dito, agad na nilinaw ni Senate President Aquilino “Koko” Pimentel III kung ang pahayag ni Pacquiao ay komento lang niya o pormal na mosyon sa plenaryo.
 
“Are you moving to terminate the period of interpellation?” tanong ni Pimentel.
 
“It’s a comment, not a motion Mr. President,” sagot naman ni Pacquiao.
 
Habang nagdedebate sina Pacquiao at Drilon, panay ang bulong ng mga staff ni Pacquiao para idikta kung ano ang mga isasagot sa mahihirap na tanong ni Drilon.
 
Ikinatwiran ni Drilon na hindi na kailangan pa ang pagbuo ng Philippine Boxing Commission dahil mayroon namang Games and Amusement Board (GAB) na gumagabay sa mga professional boxers.
 
Nagkasundo na lang ang dalawang senador na ipagpaliban ang debate sa panukala at ituloy ito sa pagbabalik ng sesyon ng Senado sa Mayo 2.
 
SOURCE: https://www.abante.com.ph/sen-pacquiao-naubusan-ng-ingles-sa-debate.htm

No comments:

Post a Comment