Noong isang linggo ay nagkita-kita kami
ng ilang mga kaibigan at dito napag-usapan naming ang kasalukuyang
nangyayari sa ating bansa. Ang sabi nu’ng kaibigan kong nagtatrabaho
ngayon sa isang call center, maganda naman daw ang ginagawa ni
Presidente Rody Duterte sa kanyang paglaban sa ilegal na droga pero
sana ay gawin niya ito sa tamang paraan at hindi lamang basta-bastang
pumapatay ng tao.
Ang sabi naman nung
isa ay tumigil na raw siya sa pagbabasa sa Facebook dahil nagsasawa na
siyang magbasa ng mga kasinungalingan na pinapakalat doon. Dagdag pa
niya na sa halip na makatulong sa pagbubuo ng maayos na relasyon ang
Facebook ay nakakasira pa raw ngayon ito dahil minsan ay doon pa
nag-aaway ang mga magkakaibigan dahil sa kanilang magkakaibang opinyon.
Dumarami na raw kasi ang mga gumagawa ng pekeng account at nagiging mga
bayarang troll para lamang siraan ang mga kalaban sa pulitika kaya
hindi na raw natin alam kung sino ba talaga ang nagsasabi ng totoo.
Isa
nang halimbawa rito ang pinakalat na #NagaLeaks ng ilan sa mga kaaway
ni Bise Presidente Leni Robredo. Ayon sa #NagaLeaks, ang yumaong Jesse
Robredo raw ay naging protektor ng mga ilegal na gawain sa Naga noong
nabubuhay pa ito. Alam naman nating lahat na walang katotohanan ito at
wala namang nailabas na matibay na ebidensya ang grupong nag-akusa kay
Robredo.
Kumbaga,
nagtago ang mga ito sa pangalang We Are Collective at hindi man lamang
sila nagkaroon ng tapang na ipakilala ang kanilang sarili sa
taumbayan. Kung talagang totoo ang kanilang pinapakalat na paninira
laban kay Robredo eh ‘di bakit kailangan pa nila magtago?
Halatang-halata na gumagawa lamang sila ng kuwento para siraan si VP
Robredo dahil wala na silang maibato laban sa kanya. Si Presidente
Duterte nga mismo ang nagsabi na basura lamang daw ang #NagaLeaks na
‘yan kaya hindi na raw niya ito pag-aaksayahan ng panahon.
Sana
sa halip na gamitin natin ang Facebook para manira at magkalat ng
tsismis laban sa ating kapwa ay gamitin na lamang natin ito para sa
mabuti. Halimbawa na rito ang nangyari doon sa isang bata sa Cebu na
nakunang nag-aaral sa labas ng isang kilalang kainan at noong na-post
ang kanyang litrato sa Facebook ay dumami ang mga taong tumulong sa
kanya para makapagtapos ng pag-aaral.
Puwedeng-puwede
naman palang gamitin ang Facebook o social media para sa mabuti kaya
sana ay mag-isip tayo bago tayo mag-post o mag-share. Isipin natin kung
ang ilalagay ba natin sa ating Facebook ay makakatulong ba sa ating
bansa o makakasira lamang ito.
Para sa inyong mga komento, mag-text sa 0916-6772989.
Source: http://www.abante.com.ph/kaya-natin-facebook-para-sa-mabuti.htm
No comments:
Post a Comment